Saturday, June 16, 2012

SA MAHAL KONG "PAPA" ( A Tribute To My Father)


     Napakaraming klase ng ama sa buong mundo.  Iba’t-iba man ang ating pagpapakahulugan sa kanila, may isang nagingibabaw na katotohanan sa kanilang pagkatao, ang pananatiling ating ama kahit ano at sino man sila.
                                                                             
     Mula sa aking pagkabata, alam ko kung gaano ako inalagaan at inaruga ng aking ama.Simula sa paggising at hanngang sa pagtulog ay ramdam ko ang kanyang nag-uumapaw na kasiyahan sa pagkakaroon ng isang anak. Bilang panganay na lalaki, walang masidlan sa kanyang puso ang  galak at pagmamahal na bumambalot sa kanyang pagkatao. Naalala ko pa noong napakataas ng aking lagnat, hindi na niya alintana kung ano ang kanyang suot sa pagmamadali para maitakbo ako sa ospital. Alam ko kung gaano kahalaga sa kanya ang pagkakaroon ng anak.  Lahat ay kakayaning gawin para lng matustusan ang pangangailangan at maipadama ang kaginhawaan sa pamilya.

     Lumipas ang mga taon at habang kaming magkakapatid ay lumalaki, naiba ang direksyon ng aming buhay. Minsan dumaan ang pagsubok na siyang nagpapatatag sa buong pamilya. Minsan na rin nadapa at nalugmok sa bisyo ang aking ama. Kung paano siya nakabangon sa kanyang kahinaan ay isang bagay na lubos kong pinapasalamatan sa Diyos.

     “Pa”, alam ko na may mga bagay na hindi na natin pwede ibalik. Gawin na lng po nating isang malaking aral sa buhay ang mga pinagdaanan ng ating pamilya noon.  Sa araw na ito, gusto ko lng malaman mo na sobrang saya ko po na ikaw ang aking naging ama. Wala man po ako sa tabi niyo ngayon para sabihin sa inyo kung gaano ko kayo kamahal, ay palagi po kayo nasa aking pagdarasal. Alam ko kung gaano niyo po kagusto mabuo at magsama-sama na ating pamilya. Ipinagdadarasal ko na sa tamang panahon, matutupad din ‘yong pangarap na iyon.  Marami pong salamat sa lahat ng pagsasakripisyo at walang-hanngang pagmamahal sa amin. HAPPY FATHER’S DAY PA!

No comments:

Post a Comment